Isa sa mga katangian ng wika ay ang pagiging dinamiko. Ito ay buhay at patuloy na
nagbabago (Rey, 2019). Dulot nang pagbabago ng panahon at patuloy na pag-unlad ng
teknolohiya, patuloy rin ang paglaganap ng iba’t ibang impluwensya na nakakadagdag sa
makabagong kaalaman na nakakaapekto sa wikang sinasalita at sinusulat (Mapa & Marbella,
2019). Ang Pilipinas, bilang kilala sa pagiging mayaman sa kultura at likas na yaman nito, ay kilala
rin bilang isang bansa na sinakop ng mga Kastila, Hapon, at Amerika. Dulot nito, ang ating wika
ay naimpluwensyahan ng mga bansang ito. Wika na nagsisilbing kalasag tungo sa pagkakaisa at
wika na isang bagay na gamit sa ating pagkakakilanlan.
Sa paglipas ng panahon, masasalamin sa mga Pilipino kung paano nagbago at umunlad
ang ating wika. Mula sa dating mala-makatang pagsasalita, ngayon, makikita kung paano naging
mas moderno ang wika. Ang paglikha, paghahalo-halo, o paggamit ng mga bagong salita na
nilikha sa isang tiyak na wika ay tinatawag na Neologismo. Bagamat ito ay hindi pa ganap na
katanggap-tanggap sa pang araw-araw na wika, ito ay laganap sa kasalukuyang panahon sapagkat
may mga umuusbong na mga bagong salita o bagong pagkakahulugan ng isang salita dulot ng
nagbabagong panahon o modernisasyon.
Dulot ng Neologismo, ating masasabi na ang wika noon at ngayon ay mayroong malaking
pagkakaiba at pagbabago. Sa patuloy na paglawak nito, masasabi natin na ang lipunan at ang
pagusbong ng teknolohiya ang siyang mga sanhi at may malaking ambag o impluwensiya rito.
Bunga nito, kung noon, Nanay ang tawag sa mga Ina. Ngayon, marami na itong baryasyon katulad
ng mudra, madir, mudrakels. Mula sa mga pormal na salita nagkaroon tayo ng mga salitang
impormal katulad ng:
- Salitang Kolokyal - ginagamitan ng pagkakaltas ng mga titik at paghalo ng dalawang wika
(Kolokyal) kagaya ng Musta (Kumusta), Pre (Pare), at iba pa.
- Salitang Balbal - nagtataglay ng kagaspangan, islang, at may pagka-bulgar (Balbal) kagaya
ng lodi o lods (idolo), petmalu (malupet), at iba pa na sa kasalukuyan ay sadyang laganap
sa henerasyong ito at kung minsan ito ay gamit na gamit kung ang kanilang mga kasama
ay ang kanilang mga kaibigan.
- Swardspeak/LGBT Slang – na mas kilala sa Gay Lingo o Bekimon na kilalang ginagamit at
pinasimulan ng mga myembro ng komunidad ng LGBT at itinuturing na mayroong
pinakamalaks na impluwensya sa lipunan sa panahon ngayon sapagkat ito ay nagtataglay
ng mga modernong salita kagaya ng charot, keme, platrakpatruk, chugug, at marami
pang iba.
Sa patuloy na paglaganap ng Neologismo, mapapansin na ito rin ay nadadala maging sa
paaralan. Ang iilan ay patuloy na ginagamit ang kung ano ang tamang wikang sinasalita at
sinusulat, ngunit ang iba ay paikli na nang paikli ang mga salita at pagdadaglat ng mga salita. Sa
usaping pormal na edukasyon, ang neologismo ay masasalamin bilang isang kaalaman na
nagmula sa patuloy na paglaganap ng iba’t ibang impormasyon na nakukuha sa iba’t ibang
paraan. Ang mga bagay na ito ang nagiging dahilan kung bakit ang lahat ay kinakailangan maging
bukas ang isipan sa pagtanggap at pagkilala sa mga pagbabagong panlipunan. Kasama na rin dito
ay kung paano ang neologismo ay patuloy na nakikita sa pang araw-araw na sistema ng mga tao.
Ayon sa eCompareMo (2017), ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay patuloy na
ipaglalawig ang paggamit ng salitang Pilipino sa paaralan. Ito ay hinihikayat lalo na sa mga
asignaturang katulad ng siyensa, matematika, ekonomiya at pinansyal, kompyuter at
impomasyong pang-teknolohiya, pag-iinhinyero, medisina, at abogasya. Ayon din sa puno ng
KWF na si Benjamin Medillo, nakatutulong upang mas mapaigting ang pag-unawa at ang mga
kakahayang magpaliwanag ng mga mag-aaral kung ang pagtuturo ng mga asignatura ay nasa
ating sariling wika. Marapat lamang na ihanda ang makabagong sistema ng edukasyon, hindi
lamang sa loob ng paaralan, sa pagitan ng mga babasahin, sa mga karanasan at pakikipag-
ugnayan sa kapwa, gayon din dapat bukas ang lahat na may mga salita na sadyang makakatulong
sa pagtuklas at paggamit ng wika ng higit pa sa ating inaakala.
Sa pag-usbong nang makabagong henerasyon ay ang pag-usbong din ng mga makabagong
salita na siyang napagkakasunduan ng lahat. Patuloy ito na umaagapay at kayang maging
malikhain ng wika upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng tao. Kasabay nito, ang
wika na ating ginagamit ay lumalawak at napapalawig pa. Mahalagang maunawaan ng lahat na
hindi lang sa pag-unlad at patuloy ng pagiging modernisado ng mundo nakikita ang pag-usbong
ng bawat salita. Hanggat gagap at tanggap ng madla ang umiiral na wika, laging ang neologismo
ang magaganap ng kusa. Gayundin, bilang isang Pilipino, marapat lamang na tayo ay maging
responsable sa kung paano natin maipripriserba, maisusulong, at mapagyayaman ang ating wika.
Likas na nagbabago ang wika. Kaya’t marapat lang na ating pagyabungin kung ano ang atin.
Sanggunian:
Antipara Blues (2021, Enero 8). TAPSILOG at ALTANGHAP: Neolohismo sa Wika [Video]. Youtube.
https://www.youtube.com/watch?v=SmZnm6z6las
Brainly (2020, Oktubre 5). Kahulugan ng Kolokyal. Mula sa: https://brainly.ph/question/3551104
eCompareMo (2017, Agosto 23). Ilan sa mga Salitang Pinansyal na ito ang Kaya mong Bigkasin sa
Wikang Filipino. Mula sa: https://www.ecomparemo.com/info/ilan-sa-mga-salitangpinansyal-na-ito-ang-kaya-mong-bigkasin-sa-wikang-filipino
Germino, L.R.S (2020, December 28). DALUMAT NG/SA FILIPINO [Video]. Youtube.
https://youtu.be/J4Ere2G7fNA
Mapa, K.K.D. & Marbella, F.D. (2019, Pebrero 18). Impluwensya ng Midya sa Pag-aaral ng Wika.
Mula sa: https://oaji.net/articles/2020/1543-1585280836.pdf
Rey, V. (2019). KATANGIAN NG WIKA – Ang Bawat Katangian At Ang Kahulugan Nila. Narekober
mula sa: https://philnews.ph/2019/07/22/katangian-ng-wika-at-kahlugan/
Tagalog Lang. (2022). Balbal. Mula sa: https://www.tagaloglang.com/balbal/comment-page-1/
Tagalog Lang. (2020, Nobyembre 7). NEOLOHISMO. Mula sa:
https://www.tagaloglang.com/neolohismo/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento